Nag-rally sa harap ng administration building ang mga estudyante ng Romblon State University na napasama sa mga natanggal sa mga mabibigyan sana ng latin honors matapos ipatupad ng pamantasan ang bagong guidelines na nagtatakda rito.
Dala ang mga placards, nanawagan ang mga estudyante sa pamunuan ng RSU na suspendihin muna ang implementasyon ng nasabing kautusang inaprubahan na ng Academic Council at ng Board of Regents.
Ayon kay Savahna Guilene Merano, presidente ng Supreme Student Council, bagama’t aprubado na ang bagong panuntunan, hindi dapat umano retroactive ang pagpapatupad nito dahil naapektuhan umano nito ang mga graduating students na nakakuha ng mababang grado sa ilang subject noong hindi pa pinatutupad ang zero-based grading system ng pamantasan.
“Ang mga latin honors ay naglilingkod bilang konkretong pagkilala sa kanilang pambihirang pagsisikap at mga tagumpay. Ang biglang pagbabago sa mga pamantayan ay maaaring magdulot ng pagkabigo, pagkabahala, at pagliit ng damdaming nakamit ng mga apektadong mag-aaral,” ayon sa pahayag nito na natanggap ng Romblon News Network.
Nakausap rin ng mga estudyante si Dr. Emelyn Montoya, ang Vice President for Academic Affairs ng pamantasan, na siyang nagpaliwanag na mga dinaanang proseso ng inaprubahang student handbook.
Base sa student handbook na nasa website ng RSU, ang summa cum laude ay dapat may grade point average (GPA) na 1.0 o higit pa at walang mas mababang grade sa 1.25. Ang magna cum laude naman ay dapat may GPA na 1.25 at walang mas mababang grade sa 1.50. Ang cum laude naman ay dapat may GPA na 1.50 at walang mas mababang 1.75 na grado sa ibang subjects.
Mataas ang bagong guidelines sa ngayon kumpara noong nakaraan dahil noon ay puwedeng makapasok sa cum laude ang isang estudyanteng walang mababang grado sa 2.0 sa mga subjects nito.
Hindi uurong sa pagpapatupad ang RSU
Sa isang pahayag naman sa mga mamahayag, sinabi ni University President Merian Mani na hindi magbabago ang desisyon ng pamantasan pagdating sa kriterya nang pagbibigay ng latin honors sa mga estudyante.
“Hindi. Last year pa dapat yan. Everybody knows na it will be implemented this year,” pahayag ni Dr. Mani.
Paliwanag pa nito, noon umano ay umaabot ng mahigit isang libo ang mga nakakatanggap ng latin honors sa RSU dahil sa “maling grading” system.
“Last year, alarm na kami. Sobra pa tayo sa UP, sobra pa tayo in other [universities]. Kaya nag-revisit kami baka may mali sa grading system. Na discover rin namin na may ilang bata na nakikiusap sa mga guro na baguhin ang grades nila para makakuha ng latin honors. We have to be more strict and vigilant with regards to latin honors,” pahayag ni Dr. Mani.
Binabalik naman ni Dr. Mani ang tanong kay Merano kung bakit hindi umano alam ng mga estudyante ang nasabing guidelines na dapat noon pa umanong nakaraang taon ipinatupad ngunit inurong ang implementasyon ngayong taon.
“Once that is approved by the board, the policy is in place for implementation. Very clear ‘yan sa kanya. Bakit ngayon lang siya [nagsasalita] na tapos na ang listahan ng latin honors. Responsiblidad niya na bilang student regent na i-disseminate sa buong studentry ang inaprubahan ng board, why did she not?” tanong ni Dr. Mani.
Samantala, pag-aaralan umano ng pamunuan ng Romblon State University kung may nilabag na guidelines sa student handbook ang mga nagprotesta dahil wala umanong kinuhang kaukulang permit ang mga ito.