Dalawang piraso ng pinaniniwalaang ilegal na pinutol na troso ang nakumpiska ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sibuyan Sub-Station at Magdiwang Municipal Police Station (MPS) sa isang anti-illegal logging operation sa bulubunduking bahagi ng Sitio Agdamagan, Barangay Tampayan, Magdiwang nitong July 10.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office (PPO), nagsagawa ng operasyon ang DENR Sibuyan Sub-Station sa pangunguna ni Forest Ranger Ryan Role, na humingi ng police assistance mula sa Magdiwang MPS.
Sa operasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng isang pirasong Magtungaw tree na may sukat na 19 sentimetro ang diyametro at limang metro ang haba, at isang pirasong Red Lauan na may 28 sentimetro ang diyametro at 6.73 metro ang haba.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱11,066 ang mga nakuhang troso.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga operatiba upang matukoy ang mga sangkot at posibleng may-ari ng mga troso, ngunit wala pang natukoy na suspek sa kasalukuyan.
Dinala ang mga nakumpiskang troso sa DENR Sibuyan Sub-Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa umano'y ilegal na pagputol ng puno.



































Discussion about this post