Babantayan at tutukan ng Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau ang mga mining application sa Sibuyan Island, Romblon.
Ito ang naging pangako ni Dr. Edwin Mojares, Regional Director ng MGB Mimaropa, nang makapanayam ng Philippine Information Agency – Romblon sa ginanap na Kapihan noong ika-24 ng Mayo.
Ayon kay Mojares, ang Altai Philippine Mining Corp. at ang Fil-China Mining Development Corp. ay nag-apply ng permit sa MGB para sa exploration ng minerals sa isang barangay sa San Fernando.
“Of course, don’t worry, MGB is closely monitoring the activities of these [mining] companies, but they have to comply with other requirements, but this is only for exploration activity sa Sibuyan Island, specifically sa Brgy. España,” pahayag ni Mojares.
Dagdag ni Mojares, naniniwala siya sa responsible mining at ‘yun umano ang mandato ng kanilang ahensya na dapat nilang sundin.
“We have to regulate all the activities ng isang mining company if they will be pursuing the development of the area and at the same time, even ‘yung kanilang mga requirements para mag-conduct ng iba’t ibang exploratory works sa area — we will be monitoring it,” ayon kay Mojares.
Sinabi rin ni Mojares na malaki ang papel na gagampanan ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa mining activities dahil sila ang may pinakamalaking may kontribusyon sa pag-regulate sa mga mining company.
Isa rin sa mga rason na binanggit ni Dr. Mojares kung bakit dapat bantayan ng mga mata ng LGU ang mga mining companies ay para masigurong hindi masisira ang ganda at yaman pagdating sa biodeversity ng Mt. Guiting-guiting.
Alinsunod ito sa DENR Administrative Order No. 2022-04 o ‘Enhancing Biodiversity Conservation and Protection in Mining Operations’.