Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang may mahigit-kumulang 200 katao kasama ang mayor ng Ferrol, Romblon na si Jovencio Mayor Jr. matapos maaktuhan sa loob ng ni-raid na Tubigon Square Garden Cockpit Arena ngayong Linggo.
Ayon sa Police Regional Office Mimaropa, nakatanggap ng tip ang mga opearatiba na binubuo ng CIDG-Romblon, Ferrol MPS, at Romblon Provincial Mobile Force Company dahilan upang magsagawa sila ng operasyon sa lugar.
Naaktuhan ng mga tauhan ng pulisya ang pasabong na malinaw umanong paglabag sa IATF guidelinse dahil ipinagbabawal ang cockfighting activity sa Alert Level 3 system na kasalukuyang ipinapatupad sa probinsya.
Sinabi rin ng Police Regional Office Mimaropa na malinaw na lumabag sa Presidential Decree 449 o Cockfighting Law of 1974 ang mga nahuling suspek.
Nakuha sa lugar ang mga pera, gambling paraphernalia, at mga patay at buhay na manok.
Dinala ang mga naaresto sa compound ng Romblon Provincial Mobile Force Company at doon prinoproseso ng pulisya.
Sa isang pahayag ni Polie Brigadier General Sidney Hernia, Regional Director ng Police Regional Office Mimaropa, pinuri nito ang CIDG at mga kasama nitong PNP units dahil sa napakalaking accomplishment.
“May this serve as a stern warning for other elected officials and illegal gamblers that MIMAROPA police will enforce the law without fear and favor,” pahayag nito.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang alkalde ng bayan ng Ferrol kaugnay nito.