May 610 na lugar na sa rehiyon ng Mimaropa ang konektado na sa Free Wifi For All (FW4A) program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ibinahagi ni Director Cheryl Ortega ng DICT Field Operations Office – Luzon Cluster 3 ang magandang balita na ito sa Economic and Financial Literacy (EFL) Forum na ginanap nitong ika-19 ng Nobyembre.
Ayon kay Director Ortiga, karamihan sa mga lugar na kanilang nakabitan ng Wifi-hotspots ay mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA.
Sa datus na ibinigay ng DICT Luzon Chapter 3, ang Occidental Mindoro ay may 97 na wifi-hotpsots, 114 sa Oriental Mindoro, 136 sa Marinduque, 160 sa Palawan at 103 sa Romblon.
Kabilang sa mga ito ang Mangsee Island at Kalayaan Island sa Palawan.
Ayon kay Director Ortiga, ang mga Free Wifi ay matatagpuan sa mga plaza, isolation facility, barangay hall, day care centers, mga paaralan at airports.
Malaking bagay umano ang mga ganitong programa ngayong ang mga negosyo at maging ang mga gobyerno ay nagkakaroon na ng tinatawag nilang ‘digital transformation’ na kung saan ang mga transaksyon sa gobyerno ay kalimitan ng ginagawa online.
Hinalimbawa ni Director Ortiga pagdating sa digital transformation ang ginawa nilang Integrated Business Permits and Licensing System o iBPLS na ginagamit na ng ilang local government unit sa rehiyon. Dito sa iBPS, ang mga taxpayers ay maari ng mag-renew ng kanilang businesses online.
Sa rehiyon, may 15 lokal na pamahalaan na ang gumagamit ng iBPLS ito ay ang mga bayan ng Baco, Bansud, Bongabong, Bulalaco, Glorio, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, Puerto Galera, Roxas, San Teodoro at Socorro sa Oriental Mindoro; Sablayan at San Jose sa Occidental Mindoro; Busuanga, Coron, Clion, El Nido at San Vicente sa Palawan; Buenavista at Santa Cruz sa Marinduque; at Banton, Looc at San Jose sa probinsya ng Romblon.
Ang EFL Forum ay isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang sa EFL Week alinsunod sa Republic Act No. 10922 o mas kilalang Economic and Financial Literacy Act. Ang ika-lawang linggo ng Nobyembre ay idineklara ng nabanggit na batas bilang EFL Week.