Naghahanda na ang Schools Division of Romblon (DepEd Romblon) sa posibleng pagbabalik ng limited face-to-face (F2F) classes sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ni Schools Division Superintendent Dr. Maria Luisa D. Servando nang ito ay bumisita kay Congressman Eleandro Jesus Madrona noong nakaraang linggo.
Ayon kay Dr. Servando, naghahanda na ang iba’t ibang paaralan sa lalawigan para sa pagpapatupad ng face-to-face classes at nakikipag-ugnayan na rin ang mga ito sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, mga magulang, at sa mga community stakeholders.
Sinabi ni Dr. Servando na naka-depende parin sa pakikiisa ng komunidad ang posibilidad na pagpapatupad ng F2F classes sa susunod na taon.
Inihayag rin ni SDS Servando kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng F2F para sa mas mainam na pagbibigay ng karunungan sa mga bata.
Samantala, nagpahayag ng kanyang suporta sa pagkakaroon muli ng F2F classes si Congressman Madrona at sinabing handa ang kanyang opisina na makiisa sa mga programa ng DepEd Romblon sa pagbabalik ng F2F classes sa susunod na taon.