Pinagpapaliwanag ng Romblon Police Provincial Office ang hepe ng Corcuera Municipal Police Station na di umano ay sumuway sa ipinatutupad na protocol ng Municipal Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (MIATF) matapos pumasok ng isla ng Simara kahit wala pa palang resulta ang kanyang RT PCR test.
Sa isang panayam, sinabi ng tagapagsalita ng Romblon PPO na si Major Ledilyn Ambonan na pinaiimbestigahan na ni Provincial Director Christopher Abecia ang nasabing pulis dahil sa late reporting ng kanyang status sa gitna na paulit-ulit na paalala sa mga kapulisan.
“As initial course of action, siya po ay pinadalhan ng memorandum by this office to explain his side,” pahayag ng tagapagsalita ng Romblon PPO.
Sa ipinadala ng Romblon PPO na kopya sa mga mamahayag ng paliwanag ng hepe ng Corcuera MPS, sinabi nitong habang nasa-ikalawang araw siya ng quarantine noong September 25 ay dumating ang kanyang hinihintay na RT PCR test result at sa kasamaang palad ay nag positibo ito sa virus.
Matapos umano niyang malaman na positibo siya, agad niyang tinawagan ang focal person sa Corcuera at nag-antay ng update sa Chairman ng MIATF at sa mga miyembro nito patungkol sa kanyang kaso dahil hindi umano handa ang mga residente ng bayan na malaman na may bagong kaso ng Covid-19 sa kanilang isla.
Sinabi rin ng hepe na September 30 o limang araw na matapos lumabas ang kanyang resulta nalaman ng karamihan sa Municipal IATF na positibo pala siya sa virus at ito rin ang araw na nag-report ang Corcuera MPS sa Romblon PPO sa kalagayan ng pulis.
Samantala, sinabi ni Major Ambonan na pinag-aaralan na ng Romblon PPO ang kaukulang hakbang o kaso na isasampa laban sa nasabing pulis.