Naitala ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Corcuera sa Simara Island, Romblon ang kanilang unang dalawang pasyente na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Ito ay matapos magpositibo sa rapid antigen test (RAT) ang dalawang residente ng isla na may weak lungs.
Ang dalawa ay kasalukuyang naka-isolate at patuloy na sinusubaybayan ang kalagayan ng kanilang kalusugan sa Isolation Facility ng Malipayon District Hospital.
Matatandaang base sa guidelines ng Department of Health, ang mga magpopositibo sa RAT ay ituturing na ngayong positive Covid-19 case.
Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Corcuera upang matukoy ang mga nakasalumuha ng dalawang pasyente. May ilan na umanong naka-isolate sa mga Barangay Isolation Unit at isasailam rin ang mga ito sa RAT.
Muling paalala ng Rural Health Unit ng bayan sa publiko ang palaging pagsunod sa minimum health protocols na ipinatutupad ng gobyerno kagaya ng tamang pagsuot ng facemask, social distancing at ang palagiang paghuhugas ng kamay.