Naging matagumpay ang ginanap na Research and Development Conference sa bayan ng Odiongan na inorganisa ng Department of Science and Technology sa pakikipagtulungan ng Romblon State University noong ika-7 ng Setyembre.
Dinaluhan ng aabot sa 62 katao sa tinawag nilang ‘blended’ conference dahil 16 sa mga kalahok ay dumalo sa pamamagitan ng video conference, isang paraan para mas maipatupad ang social distancing. Ang mga dumalo ay mula sa sektor ng akademya, industriya, negosyo, LGU/NGA, at mga mamahayag.
Naging highlight sa nasabing conference ang pagbabahagi ng Romblon State University sa iba’t ibang ideya, proyekto at teknolohiya na binuo ng kanilang mga propesor at mga estudyante kabilang na ang ilang produkto na mula sa mga kawayan. Isa sa mga proyekto ng Romblon State University na gawa sa kawayan ay ang ipinagmamalaki ng College of Engineering and Technology na Laminated Table Tops.
Ayon kay Dr. Bilshan Servanez, ang Bamboo Laminated Table Tops ay makakatulong sa mga paaralan o di kaya ay mga opisina na naghahanap ng mga magagandang klaseng lamesa. Aniya, ang ilan sa mga table tops na kanilang ginawa ay ginagamit ng mga Engineering students ng pamantasan bilang lamesa kapag gumagawa ng mga plano.
Samantala, maliban sa mga ibinahaging ideya at proyekto ng RSU, nagbahagi rin ng mga programa at proyekto ang DOST na makakatulong sa mga dumalong bisita mula naman sa sektor ng pagnenegosyo.
Tinalakay rin sa nasabing conference ang antas ng Research and Development sa probinsya at kung ano pa ang kailangan lalo na ngayong may kinakaharap na pandemya ang bansa.
Sa mensahe ni Dr. Ma. Josefina Abilay, Regional Director ng DOST-Mimaropa, sinabi nito na ang DOST ay handang pakinggan ang lahat ng pangangailangan ng sektor para makapagbigay ng teknolohiya na higit na makakatulong sakanila.