Ilang senior citizens sa Barangay Mayha, Odiongan ang nabigyan ng grocery packs ng Romblon News Network (RNN) sa ilalim ng “Together We Thrive: Empowering Communities, Uplifting Lives,” isang community outreach and welfare program na layuning makapaghatid ng tulong at suporta sa mga miyembro ng komunidad.
Isinagawa ang pamamahagi sa pakikipagtulungan ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Mayha, sa pangunguna nina Barangay Kagawad Marites Gan at Anthony Tan, kasama si Barangay Nutrition Scholar Rodalyn Fadriquel.
Nagbigay rin ng suporta sa programa ang Unified Romblon Contractors Association, na naging katuwang ng RNN sa pagsasakatuparan ng outreach activity.
Ayon kay Paul Jaysent Fos, founder ng Romblon News Network, ang programa ay bahagi ng hangarin ng RNN na magamit ang impluwensiya at kakayahan nito hindi lamang sa paghahatid ng balita kundi maging sa pagbibigay ng direktang tulong sa mga komunidad.
“Sa Romblon News Network, naniniwala kami na ang aming tungkulin ay hindi lamang maghatid ng impormasyon sa publiko. Sa pamamagitan ng Together We Thrive, nais din naming makibahagi sa pagpapalakas ng aming mga komunidad at makapag-abot ng tulong, lalo na sa mga sektor na nangangailangan ng karagdagang suporta,”
Nagpasalamat naman si Kagawad Gan sa RNN at mga katuwang nito sa pagpili sa Barangay Mayha bilang benepisyaryo ng programa.
“Malaking bagay po ang ganitong inisyatiba, lalo na para sa ating mga senior citizens. Nagpapasalamat kami sa Romblon News Network at sa lahat ng naging bahagi ng programang ito dahil hindi lamang sila naghatid ng grocery packs kundi nagpakita rin sila ng malasakit sa aming mga kabarangay,” ayon kay Gan.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na Together We Thrive: Empowering Communities, Uplifting Lives — An RNN Community Outreach & Welfare Program, na naglalayong makapaghatid ng tulong at makabuo ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng RNN, mga katuwang na organisasyon, at mga pamayanang kanilang pinaglilingkuran.



































Discussion about this post