Wala umanong dalang baril ang dating Army corporal na napatay ng mga pulis sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City noong nakaraang buwan, ayon sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
“ Contrary to the police report, Cpl Winston Ragos was not carrying a firearm at the time that he was shot based on evidence that has been gathered,’’ ayon sa isang source sa loob ng NBI.
“Though the family’s complaint is murder, there is no sufficient evidence on murder . The investigation also is leading towards the conclusion that the .38 caliber pistol supposedly owned by the victim was planted,’’ dagdag pa ng source.
Binusisi umanong mabuti ng mga imbestigador ang mga video at mga nakasaksi sa insidente at dito na lumitaw ang kumpleto at kumprehensibong resulta ng imbestigasyon na nagpapatunay na `planted’ umano ang armas na sinasabing nakuha ng mga pulis kay Ragos.
Nauna dito, hiniling ni Philippine Army commanding general Lt. Gen. Gilbert Gapay kay NBI director Eric Distor na imbestigahan ang pamamaril kay Ragos, isang dating sundalo na may post traumatic stress disorder (PTSD) nang mapatay.
Base sa kumalat na video, nakita ang biktima na nakatayo at nakataas ang dalawang kamay nang halos 2 minuto makaraang harangin ng mga pulis dahil umano sa paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Brgy. Putik, Quezon City noong Abril 22.
Si Police Mst. Sgt. Daniel Florendo, team leader ng ECQ control point ang nakitang bumaril kay Ragos ng 2 beses makaraang humarap ang biktima at nakipagsagutan sa mga pulis.
Apat na mga police trainee ang nasa lugar nang mangyari ang insidente.
Depensa ng pulis, akma umanong bubunot ng baril si Ragos mula sa dala nitong sling bag kaya nito ito pinaputukan. (Nancy Carvajal)
Source: