Inaasahang tatanggap ang mga lokal na pamahalaan (LGU) sa lalawigan ng Romblon na kabuoang aabot sa PHP121,043,796 na financial assistance mula sa gobyerno sa pamamagitan ng “Bayanihan Grant to Cities and Municipalities”.
Batay sa nasabing programa, ang bayan at siyudad sa Pilipinas ay tatanggap ng financial assistance na katumbas ng kanila isang buwan na Internal Revenue Allotment (IRA), bilang tulong sa perwisyo na dulot ng coronavirus disease (Covid-19).
Batay sa memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea, tatanggap ang bayan ng Alcantara sa aabot sa PHP6,523,904 habang ang Banton naman ay tatanggap ng PHP4,438,426.
Tatanggap naman ang bayan ng Cajidiocan ng PHP9,548,979; ang Calatrava naman ay tatanggap ng PHP5,999,669; ang Concepcion ay may makukuhang PHP4,013,627 at ang Corcuera ay makakakuha ng PHP5,106,542.
Ang Ferrol naman ay tatanggap rin ng financial assistance na aabot sa PHP4,569,120; habang ang Looc ay PHP8,549,221 ang matatanggap at ang Magdiwang naman ay PHP6,809,419.
Pinakamalaki naman ang matatanggap ng bayan ng Odiongan na aabot sa PHP12,909,285 at sinundan naman ng bayan ng Romblon na tatanggap ng PHP10,375,515.
Tatanggap rin ng financial assistance ang iba pang bayan sa Romblon katulad ng San Agustin na aabot sa PHP8,718,582; San Andres na aabot sa PHP7,204,556; San Fernando na merong PHP5,098,729; Santa Fe na may PHP6,537,334; at ang Santa Maria na may makukuhang PHP4,951,937.
Ang pundo na ibinigay sa mga lokal na pamahalaan sa Romblon ay manggagaling sa mga hindi muna ipapatuloy na mga proyekto ng Department of Public Works and Highways para sa taong 2020 na aabot sa halos PHP30.824 billion.
Magagamit ang nasabing pundo pambili ng mga personal protective equipment (PPE) para sa mga frontliners sa lalawigan, mga gamit sa Rural Health Unit, disinfectants, relief goods, at mga tents.