Ni-relib na ng Romblon Police Provincial Office ang pulis ng bayan ng Calatrava na di umano ay nagbantang papasabugin ang Rural Health Unit (RHU), ayon sa pinadalang text message sa Romblon News Network ni Police Lt. Col. Raquel Martinez, tagapagsalita ng Romblon PPO.
Aniya, sa Head Quarters muna ng Romblon Police Provincial Office muna ito magre-report habang isinasagawa ang imbestigasyon laban dito alinsunod sa utos ni Provincial Director ng Romblon Police Provincial Office na si Col. Arvin Molina.
Batay sa incident report ng Calatrava Municipal Police Station, bandang 6:45 ng gabi ng April 2 nang dumating ang pulis kasama ang live-in partner nito na tila biktima ng vehicular accident.
Agad namang dinala ng mga nurse sa emergency room ang babaeng kasama ng pulis para bigyan ng paunang lunas ngunit hindi nagtagal ay pinagbabantaan na sila ng pulis na tila amoy alak.
Sa kwento ni Dr. Renato Menrije Jr., Municipal Health Office ng Calatrava, dahil umano sa paninigaw ng pulis, natakot umano ang isang pasyente na nandoon rin sa RHU kaya inatake muli ito ng altapresyon kaya ito muna ang binigyang prayoridad ng mga dalawang nurse na naka-duty. Dito na di umano nagbanta ang pulis na papasabugin ang RHU Calatrava dahil hindi umano binibigyang tugon ng mga nurse ang dalan iyang pasyente.
Samantala, inihahanda na ng pamilya ng mga nurse ang kasong isasampa laban sa police officer.