Inirekomenda ni League of Provinces of the Philippines (LPP) president at kasalukuyang Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na tanggalin na ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lugar na zero na ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Paliwanag ni Velasco, mahaba na ang panahon na naka-quarantine ang mga probinsyang wala ng kaso kabilang ang Marinduque at Romblon dahil lagpas na sa 14-days ang incubation period ng virus.
“Ang posisyon ng LGUs po ay meron na pong bayan at lalawigan na pwede po sigurong i-lift ‘yung ECQ,” ayon kay Velasco sa panayam nito sa Super Radyo DZBB.
“Ang tagal na po ng incubation period. Halos 40 days na po, wala na po kaming nakikitang infected,” dagdag nito.
Aniya, maari umanong palawigin ang ECQ sa ibang lugar na mataas ang kaso lalo na umano sa National Capital Region.
Inaasahang ngayong gabi iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang mangyayari matapos ang April 30 deadline ng ECQ.