Naglunsad kamakailan ng lingguhang clean-up drive ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Budiong na pawang mga miyembro rin ng Kabataan at Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) sa pangunguna ni SK Chairman Mandy Fabon.
Ito ay proyekto ng binuo ng mga kabataan ng Budiong na ‘Save and Change Organization’ na naglalayong protektahan ang kalikasan sa pamamagitan ng paglilinis sa fish sanctuary sa kanilang barangay upang maging pasyalan ito at maidagdag sa atraksyong pangturismo tuwing araw ng Sabado.
Noong unang Sabado ng Pebrero nila sinimulan ang paglilinis ng Fish Sanctuary, kasama ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, Romblon Police Mobile Force Company, Odiongan District Jail, ilang estudyante, Delta Sigma Fraternity, Municipal Environment and Natural Resources Office ng Odiongan, at mga miyembro ng konseho ng barangay.
Saka-sakong mga basura na ang kanilang nakolekta mula pa ng sila ay magsimulang maglinis sa lugar.
Ayon sa Punong Barangay ng Budiong na si Robinson Fopalan, siya ay natutuwa sa pagkukusang ito ng mga kabataan sa kanilang barangay at sinisiguro nitong buo ang suporta ng konseho sa kanilang mga programa.
Ayon naman kay SK Chairman Fabon, hindi lang pangkalikasan ang layunin ng kanilang grupo kundi ang maging inspirasyon sila ng mga kabataan ng iba pang barangay na kahit sila ay mga bata pa ay may naiaambag na sa lipunan.