Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives of the Philippines noong Mayo 20 ang House Bill No. 9154 na naglalayong gawing regular district office ang extension office ng Land Transportation Office (LTO) sa bayan ng San Agustin.
Ang panukalang batas ay inakda ni Congressman Eleandro Jesus Madrona katuwang sina Congressman Franz Pumaren, chairperson ng Committee on Transportation, at Congresswoman Mikaela Angela Suansing, chairperson ng Committee on Appropriations.
Papalitan ng House Bill No. 9154 ang naunang House Bill No. 4152 na may kaparehong layunin na magtatag ng regular district office ng LTO sa naturang bayan at maglaan ng kaukulang pondo para rito.
Ayon sa tanggapan ni Madrona, ipapadala na sa Senate of the Philippines ang panukalang batas para sa kanilang konsiderasyon bilang bahagi ng proseso ng bicameral legislation.
Layunin ng panukala na mapalakas at mailapit pa ang mga serbisyo ng LTO sa mga residente ng lalawigan, lalo na sa mga bayan na nahaharap sa hamon ng biyahe dahil sa pagiging arkipelago ng Romblon.
Kabilang sa inaasahang makikinabang sa panukala ang mga residente ng Calatrava, Santa Maria, Romblon, Magdiwang, Cajidiocan, San Fernando, Banton, at Concepcion.
Kapag naging ganap na batas, inaasahang mapapadali ang pagproseso ng mga transaksyon kaugnay sa lisensya, rehistro ng sasakyan, at iba pang serbisyo ng LTO para sa mga residente ng mga nabanggit na bayan.


































