Ipinagdiwang ang ika-69 na pagkakatatag ng lalawigan ng Oriental Mindoro na may temang: “Fiesta MaHalTa Na!” sa lungsod ng Calapan noong Nobyembre 15.
Pinangunahan ni Gov. Humerlito ‘Bonz’ Dolor, Vice Gov. Antonio ‘CA Jojo’ Perez at mga bokal, mga kawani ng kapitolyo at kinatawan mula sa 15 bayan ng lalawigan ang parada na lumibot sa kalunsuran, kasunod ang street dancing parade kung saan nagtapos ang patimpalak sa pamamagitan ng mga tradisyunal na sayaw ng bawat bayan na ginanap sa Oriental Mindoro National High School.
Ipinakilala rin sa okasyong ito sa salitang ‘MaHalTa Na’ ang huling simbolo ng lalawigan, ang Naujan Lake. Ito ang panlimang malaking lawa sa bansa na may lawak na 21,655 hektarya at iprinoklama sa ilalim ng Proclamation No. 335 noong Enero 25, 1968 bilang Naujan Lake National Park. Bago nito ay tatlo lamang ang ipinagmamalaki ng Oriental Mindoro, ang Mangyan, bundok Halcon at Tamaraw na bumuo sa salitang MaHalTa.
Samantala, pinasalamatan ni Gov. Dolor ang mga nakisaya sa limang araw na programa na kanilang hinanda. Aniya, una pa lamang ito sa kanyang unang termino at kanila na rin pinaghahadaan ang darating na ika-70 anibersaryo sa susunod na taon.
Dagdag pa ng punong lalawigan, “ang Oriental Mindoro ay pinagpala ng Diyos na dapat seryosong pinangangalagaan upang mapakinabangan ng mga susunod pang salinlahi.”
Sa huli, nagtapos ang kasiyahan sa isang konsiyerto mula sa sikat na mang-aawit na si Bamboo na dinaluhan ng libu-libong katao sa kapitolyo at magarbong fireworks display. (Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)