Baon ang dedikasyon at kumpiyansa, tumulak na ngayong araw ng Sabado, ika-27 ng Abril 2019, ang Team UP EEEI Dagisik na lalahok sa taunang kompitisyon na Shell Eco-Marathon (SEM) Asia 2019, dala ang kanilang dinisenyong sasakyan na pinangalanang Siglo 3.0.
Binubuo ang nasabing team ng mga estudyante mula sa Electrical and Electronics Engineering Institute (EEEI) ng UP-Diliman. Kabilang sa team na ito ang kababayan nating Romblomanon na si Ms. Herschel Faye Faderogao Fabregas mula sa bayan ng Concepcion (Sibale).
Gaganapin ito sa Sepang International Circuit, Selangor, Malaysia, mula April 29 hanggang May 2, 2019.
Ang Shell Eco-Marathon ay kompitisyon at programa para sa mga estudyante ng science, technology, engineering at mathematics upang magdisenyo at gumawa ng tinatawag na ‘ultra-energy-efficient’ na mga sasakyang panglupa.
Ang ganitong programa ay nagbibigay inspirasyon sa libu-libong mga mag-aaral, hindi lamang sa Asia kung di sa buong mundo, na magtulong-tulong upang ilagay sa pagsubok ang kanilang mga teyorya ng kahusayan sa enerhiya gamit ang ‘cutting-edge’ na teknolohiya, kritikal na pag-iisip, at mga makabagong ideya para mapagana at mapatakbo ang nasabing sasakyan.
Bawat team na kalahok ay binubuo ng hindi lalagpas sa sampung (10) miyembro kabilang ang kanilang team manager at isang faculty advisor. Dapat ding kasalukuyang naka-enroll sa eskuwelahan ang bawat kalahok sa panahon ng event o kompitisyon.
Ang gastos sa nasabing event, gaya ng pamasahe sa eroplano, pagkain at bayad sa hotel na kanilang tutuluyan ay galing mismo sa sariling bulsa ng mga kalahok o kaya naman ay sa mga sponsors na handang magbigay ng suporta para sa ikakatagumpay ng bawat team.
Ang mga mananalo sa nasabing patimpalak ay s’ya namang mga magiging representante ng Asia para sa darating na 35th Shell Eco-Marathon Global ngayon ding taon.
Umaasa at nananalangin ang buong team na manalo at masungkit nila ang kampeonato sa nasabing kompitisyon para makapagbigay ng karangalan sa bansa at makapaghatid ng inspirasyon sa kanilang mga kapwa estudyante at taga-suporta.