Pansamantala munang itinigil ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) simula nitong Biyernes ang paglalabas ng pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Ito ay dahil sa inalabas ng Comelec na Resolution Number 10511, na nagbabawal sa mga employees, barangay officials, government-owned o controlled corporations na maglabas ng public funds mula March 29 hanggang May 12, 2019.
Nauna ng sinabi ni Romblon Governor Eduardo Firmalo na nagpadala sila ng request sa Commission on Elections (Comelec) regional office para ma-except ang AICS ngunit hanggang ngayon ay hindi parin sila sumasagot.
Samantala, sinabi ni Johans Fortu ng Provincial Social Welfare and Development Office sa Romblon News Network, na ang mga humihingi sa kanila ng assistance para sa medical, burial, at calamity ay binibigyan nila ng referral para ilapit sa Department of Social Welfare and Development – Romblon.
Matatandaang nitong Lunes, March 25, lamang naipasa ng Sangguniang Panlalawigan ang 2019 annual budget ng probinsya, kaya hindi nagamit ang budget ng AICS dahil sa reenacted budget ng halos tatlong buwan.