Umakyat na sa 30 ang mga pasyente sa lalawigan ng Romblon na may tigdas o measles mula January hanggang March 03 at isa rito ay namatay ayon sa pinakahuling taya ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health MIMAROPA.
Ayon kay Ralph Falculan ng DOH-Romblon, ang namatay na pasyente ay residente ng Ferrol, Romblon. Dinala umano ito sa Manila dahil may sakit ngunit pagdating doon ay nahawaan ng tigdas na naging dahilan ng komplikasyon at kanyang pagkamatay.
Dagdag na Department of Health, umabot na sa 667 ang kabuoang kaso ng tigdas sa buong rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), kung saan pinakamarami rito ay naitala sa probinsya ng Oriental Mindoro na may 489 na kaso at anim na rito ang namatay.
Patuloy naman ang ginagawang kampanya ng DOH para mabakunahan kontra tigdas ang mga batang edad 6 months hanggang 59 months sa buong rehiyon kasama na ang Romblon.
Sa pahayag ni DOH-MIMAROPA Regional Director Mario Baquilod, sinabi nitong patuloy ang kanilang ginagawang kampanya para matigil ang outbreak ng tigdas sa MIMAROPA.
“While we are glad that more children are getting vaccinated, we will remian vigilant and ensure continuity in providing intervention to mitigate the measles outbreak in the region with the support of the local government units and other stakeholders,” ayon kay Baquilod.
Samantala, ipinag-utos na ni Governor Eduardo Firmalo na mag lagay measles fastlane sa Romblon Provincial Hospital para ma-prioritize ng ospital ang mga pasyenteng isusugod rito na makikitaan ng sintomas ng tigdas o measles.