Ang Pagtulong sa Kapwa ay Masasalamin sa Bawat Pusong May Tunay na Kabutihan Isang tipikal na araw…isang dapit hapon. Karaniwang senaryo sa loob ng aking kubo. Gamit ang munting salamin ay hawak ng aking isang kamay at itinaas ko ito para makita sa bintana ang nasa labas ng aking bahay. Sa pamamagitan man lang nito ay makita ko ang mga puno at mga berdeng halaman at higit sa lahat ay matanaw ko mula sa malayo ang aking anak na naglalaro.
Ang hapon na iyon ay kakaiba at espesyal sa lahat. Habang naglilibang ako sa panonood ng palabas sa telebisyon ay saglit kung iniangat ang king kamay na hawak ulit ang salamin para makita ang labasan. May
nakita akong isang matangkad na babae at mahaba ang buhok. Napakasimple lang ng kanyang kasuotan. Tipikal na pantalon na pang-ibaba at kamisetang naaangkop para sa kasuotang pambabae. Di pa man ako sigurado kung sino siya pero napasigaw na ako ng malakas para tawagin sina Mama. “Ma!!! Dali si Mam Trina Firmalo oh papale dile (paparating)!”
Halos ilang linggo lang ang lumipas nang sumubok ako na magpadala sa kanya ng mensahe sa kanyang Facebook Account. Nagbasakali lang ako at hindi ako sigurado kung ito ay mabibigyan niya ng pansin o mababasa dahil alam ko na sobrang abala siya sa pagtulong sa kanyang Ama na kasalukuyang Gobernador na ng Romblon. Sumubok ako na huminge ng tulong ng mga panahong iyon na mailapit ako sa kanyang Ama para matulungan akong madala sa Maynila para maisalang ako sa MRI examination at para tuluyan ng malaman kung ano ang karamdaman na dumapo sa akin.
At doon nga nagsimula ang lahat. Hindi ko na po idedetalye ang lahat ng mga sumunod pa na pangyayari (at baka sabihin pa ng iba na nangangampanya na ako). Ibinabahagi ko po ito, hindi dahil sa paparating na ang eleksiyon bagkus ito ay pawang katotohanan lamang. Dahil dito p’wede kong sabihin sa aking mga kababayan dito sa Romblon na may mga mabibigat na pinagdadaanan sa buhay at sinusubok ng malulubhang karamdaman na huwag kailanman mahihiya o magdawalang isip na huminge ng tulong sa ibang tao lalo na ang paglapit sa mga namumuno sa gobyerno. At sa panahong ito na mabilis na ang pagsulong ng kaunlaran ng mahal nating probinsiya ay hindi na kailangang madala agad sa Maynila para makapagpagamot (maliban na lang kung kinakailangan na talaga at napakalubha na ng kalagayan). Dahil kahit na ako ay nandito lang sa
aking kubo ay ramdam ko ang at nakikita sa social media ang bagong bihis na ospital at mga makabagong kagamitan para sa medisina ng Romblon Provincial Hospital.
Nagsimula lang ang lahat sa pagkakasilip ko sa aking munting salamin at ang repleksyon ng tunay na kabutihan ng pusong matulungin ay aking nakita…naramdaman. Wala pa siya noon sa panunungkulan ng pagiging
Punong Bayan (taon ng 2012). Pero hindi niya ako binigo at ang munting hiling ko ay napansin ni Mam Trina Firmalo Fabic. Na sa salamin ay tumama ang isang liwanag at parang bolang tumalbog para sa lahat ng
aking pangamba ay pumawi at magbigay ng ginhawa. At malaking tulong ang pamilya Firmalo sa walang kasagutan at solusyon na kalagayan ko noon.
Ang tunay ng istorya ng aking buhay ay isang patunay na ang pagtulong sa kahit anumang paraan malaki man o maliit ay maaaring magpabago ng isang buhay. Maaari ninyo sigurong sabihin ano bang nagbago sa akin at bakit ganito pa rin ako. Marami po…napakarami. Dahil sa simpleng tulong na iyon ay naging palagay na aking kalooban sa sitwasyon na meron ako. Na wala akong dapat na ikatakot sa kung anumang malubhang karamdaman na akala ko ay meron ako at sa Diyos noon pa ay isinuko ko na ang lahat. Mismong ako na ang nagdesisyon at ang aking pamilya na umuwi na lang pagkatapos na maisalang ako sa MRI ng dalawang beses at malaman na wala naman akong fracture sa aking spinal cord at walang nakita ang mga Dr na malubhang karamdaman. Ang malamang wala naman talaga akong sakit ay sapat na sa akin para mawala ang lahat ng takot at aking mga alalahanin. Malaking pasasalamat at malaking utang na loob na aking tatanawin sa butihing Mayora na ngayon at sa butihing Gobernador.
Ang bawat pagsubok, problema at hirap na pinagdadaanan natin sa buhay ay laging may katapusan, solusyon at ginhawa. Kailangan lang natin itong harapin na may lakas ng loob, paniniwalang ispiritwal, tibay ng
puso at isip. At paniniwala sa kabutihan ng ating kapwa, maging sino man siya o anuman ang estado niya sa buhay. Lagi lang natin itong ipagdasal sa Diyos at lahat na dumarating sa atin o nakikilala nating
tao ay Kanyang ginagamit na instrumento para maipadama niya sa atin ang Kanyang walang hanggang awa at kabutihan.
Ang natanggap ko noon na tulong, pagkalipas ng dalawang taon na ako ay nagpapabalik-balik sa mga ospital sa bayan ay aking nakayanan at nalagpasan. Dahil pagkatapos na ako ay mapatingnan nga noon sa Maynila
ay nagtutuloy-tuloy na ang pagbuti ng aking kalagayan. Sa ngayon, ay parang isang palito ng posporo na nasindihan sa loob ng maliit na kahon na nagtutuloy ang munting apoy ng kabutihan at naging malaking
liwanag. Dahil maraming naibigay na oportunidad sa aking kalagayan. At dahil rin sa social media ay nagkaroon ako ng komunikasyon sa dati kong pinagtratrabahuang kompanya, ang Country Bankers Insurance Group
na nasa Manila at ang dati kong boss na si Mam Geraldine Desiderio Garcia ang tumutulong na sa akin ngayon at sa aking anak.
Dahil ang lahat ng ito ay nagsimula sa isang simpleng kabutihan at nadagdagan at dumami dahil lamang sa minsang ako’y naniwala at nagbakasali na lumapit sa taong napakasimple lang ang personalidad
pero may malaking puso pala sa pagtulong sa nangangailangan at ang aking paghanga sa kanya dahil hanggang ngayon ang kanyang puso ay nailaan sa tunay at tapat na serbisyong may puso para sa ika-gaganda
at ika-bubuti ng mahal nating bayan ng Odiongan.
Ang istorya ng aking buhay ay hindi lang patungkol sa faith ko kay God bagkus ito ay patungkol sa faith ko sa humanity. Sa mga taong may tunay na kabutihan sa puso sa pagtulong sa kapwa.