Aabot na sa 19 katao ang idineklarang patay ng Philippine National Police kasunod ng pagsabog sa kasagsagan ng pang-umagang misa sa simbahan sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Police Regional Office-ARMM head Superintendent Graciano Mijares, umakyat na rin sa 104 ang mga tao na sugatan at ngayo’y nasa ospital at nagpapagaling.
Isa sa mga naiulat na namatay ay si Second Seaman Jaypee Galicha, residente ng San Agustin, Romblon at kasalukuyang naka-assign sa Jolo.
Kinumpirma ito ng Philippine Coast Guard, ayon sa opisina ng PCG, ang dalawang kasamang coast guard ni Galicha ay isinugod sa ospital matapos madamay rin sa pagsabog.
Ilang kaibigan na ni Galicha ang nagpaabot ng pakikiramay sa pamamagitan ng Facebook.
Ayon sa ilang report, nagmula ang pagsabog sa dalawang Improvised Explosive Device (IED) sa naturang simbahan habang kasagsagan ng pang-umagang misa.
Ang nangyaring insidente ay naganap isang linggo matapos ang pagsasagawa ng plebesito para sa Bangsamoro Organic Law.
Matatandaang karamihan sa mga taga-Sulu ay hindi sang-ayon sa BOL.