Tulad ng isang sundalo, ang buhay ko ay sinanay para sumabak sa isang matinding geyera.
Agosto 2010 nagsimula ang pinakamatinding hamon sa aking buhay. Kaya ngayong buwan na ito ay ang aking ika-walong taon bilang isang paralitiko at dalagang Ina sa aking walong taong gulang na anak. Wala na akong nararamdamang kapaitan sa aking kalagayan. Dahil masasabi ko na ako ay lubos na pinagpapala ng ating Mahal na Panginoon sa buhay at lakas na meron ako.
Ang aking mga kahinaan ay nagbukas sa mga bagay na kapakipakinabang at nagpakita ng aking mga kalakasan. Dahil tunay nga na anuman ang ating mga kakulangan ay hindi hadlang para maipakita natin ang ating mga kakayahan. Na ang buhay ay hindi perpekto. At bawat tao ay may kanya-kanyang pagsubok na pinagdaraanan. Dahil ang buhay natin ay isang malaking laban na hindi dapat pwedeng sukuan. At dahil sa Diyos lang dapat natin isuko ang lahat. Dahil Siya ang nagbigay sa atin ng buhay at ang pagsuko sa mga problema na ating pinagdadaanan ay kawalan ng tiwala sa Kanya. Dahil bago pa lang ibigay ng Diyos sa atin ang mga suliranin na kinakaharap natin ay alam Niya na kaya natin ito at kaya Niya ito binigay sa atin. At para mabuksan din ang ating puso’t isip sa mga magagandang bagay at kabutihan na meron Siya para sa atin. Dahil totoo nga na ang lahat ng nangyayari sa ating buhay ay may dahilan.
Nasa atin na kung paano natin haharapin ang bawat araw ng may pagtitiwala sa Kanya. Normal lang siguro sa atin bilang tao ang makaramdam ng panghihina lalo na kung sunod-sunod ang mga suliranin pero natatapos ang bawat araw na tayo ay nakakaraos pa rin. Dahil kailanman ay hindi Siya nagpapabaya sa atin. Lagi Niyang naririnig ang ating mga hinaing at lagi Niyang sinasagot ang ating mga dasal. Na minsan akala natin ay walang kasagutan. Tulad ng sitwasyon ko na napakatagal ng panahon ng pagkakahiga. Marami pa rin ang nakakapuna at nakakapagsabi na bat ganito pa rin ako. Hindi pa rin nakakalakad. Hindi ko naman sila masisisi lalo na kung nakikita lang nila ako sa mga larawan ng tipikal na nakaratay lang na parang isang maysakit. Pero alam ko sa aking sarili na ako ay bumubuti sa bawat taon na dumaraan.
Ang aking lakas ay lalong nadaragdagan. Ang aking mga kakayahan at mga bagay na kaya gawin para sa aking sarili ay nadaragdagan ang bilang. Sa ngayon…ay sobra akong nalilibang sa aking pag-crochet at malaking tulong ang kinikita ko sa mga nabebenta ko sa aking mga gawang kamay. Naibibili ko ang aking sarili ng aking mga pangangailangan tulad ng aking diapers at nabibigyan ko ng pangbaon ang aking anak sa pagpasok niya sa paaralan. Mas maraming tao ang nakakadiskubre ng aking mga gawa at kanilang tinatangkilik.
Kelan nga lang ay mismong Punong Bayan, si Mayor Trina Firmalo Fabic ay nagpagawa sa akin ng 100 piraso ng pantali sa buhok na may dekorasyon ng bulaklak na aking ginawa. Ito daw ay kanyang ipamimigay sa kanyang Brgy. Caravan. Anong tuwa ko dahil mismong Mayor ng bayan ng Odiongan ay napansin ang aking kakayahan at lalo akong naniwala sa aking sarili at ako ay nabigyan ng inspirasyon na lalo kung pagbutihin ang aking ginagawa. At ang Department of Trade Industry din ay kailan lang pumunta dito sa aking kuno para matingnan ang aking mga gawa at nais nila na ako’y kuning tagapagturo ng crochet sa mga miyembro ng Creative Hands Association of Romblon (CHAR) at magsilbi ding inspirasyon sa mga miyembro nila. Ngayon, ay nagpapagawa sila sa akin ng snowflakes crochet na idaragdag sa disenyo ng mga throw pillows na kanilang ginagawa.
Napakasarap sa pakiramdam na ako ay mabigyan nila ng pansin. Na maipapakita ko sa ibang tao lalo na sa mga tulad ko na may mga kapansanan na hindi pa huli ang lahat para sa amin. Na hindi titigil ang pag-inog ng mundo para lang na kami ay laging kaawaan at abutan ng tulong. Dahil napakarami pang magagawa ang isang tulad ko…ang isang tulad mo na may kabawasan na sa bahagi ng iyong katawan. Na ang ating kapansanan ay hindi malaking kabawasan para makagawa pa ng mga bagay na may malaking silbi sa lipunan at higit lalo para sa ating mga sarili. At alam ko ang lahat ng ito ay biyayang galing sa Diyos. Dahil alam Niya na kaya ko at kaya natin. Ito ay isang simbolo ng malaking pag-asa. Dahil habang kaya natin na gumawa ng mga bagay na nagpapakita na tayo ay malakas ay malaki ang ating pag-asa sa buhay.
Patuloy lang tayong magtiwala at maniwala sa tanging nagbibigay sa atin ng buhay…ang ating Diyos dahil Siya ang tunay nating PAG-ASA.