Ayon sa pamunuan ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) Inc., operational na ang kanilang Biomass Gasifier na itinayo sa Sitio Bagong Silang, Bgy. Alad, Romblon simula pa noong ika-24 ng Setyembre.
Ang proyektong ito ay magpapailaw sa 41 kabahayan sa naturang lugar na hindi kayang maabot ng linya ng kuryente dahil sa sobrang layo at tarik ng lugar.
Ang 12 oras na paunang operasyon ay simula lamang ng pagpapailaw sa naturang sitio at sisikapin ng Romelco na maging 24 oras na rin sa lalong madaling panahon.
Matatandaan na noong 2016 ay sinimulan ng Romelco ang konstruksiyon at instalasyon ng Biomass Gasification Technology sa nabanggit na barangay kung saan ang pondong ginmit dito ay mula sa Department of Energy (DOE).
Ang plantang ito ay disenyo ng Indian company na kaagapay ng Department of Energy (DOE) at Romelco sa mga ganitong klaseng proyekto.
Tanging bao o kaya’y balat ng niyog, tuyong kahoy, maliliit na sanga, damo, o mga labí ng mga pananim na maaari pang mapakinabangan ang siyang ilalagay dito bilang panggatong para makapag prodyus ng kuryente.
Alternatibong panggatong din sa makina ng biomass gasifier na ito ang bana grass na ipinatanim ng Romelco sa Brgy Lamao, Romblon, Romblon.
Ayon sa pamunuan ng Romelco, ang ganitong uri ng pailaw sa mga tahanan ay malaking tulong upang magliwanag ang buong kabahayan lalo na sa gabi, mai-aangat ang kalidad ng pamumuhay ng mamayan at hindi na mahihirapan ang mga bata sa kanilang pag-aaral ng leksiyon na umaasa lamang dati sa aandap-andap na lampara. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)