Nagpaalala ang Tablas Island Electric Cooperative Inc. (TIELCO) na maaring makaranas ang buong Tablas Island, Romblon ng power interruption ngayong masama ang panahon.
Sa facebook post ng official account ng TIELCO, sinabi nilang ang mga line faults ang maaring dahilan ng malimit na brownout ngayong malakas ang hangin at malakas ang ulan.
Maari kasing may mga linya ng kuryente na natutumbahan ng puno ng kahoy o di kaya’y nahuhulugan ng mga naputol na sanga sanhi ng malakas na ihip ng hangin.
Nitong Sabado, ilang line fault ang naitala ng TIELCO katulad nalang ng puno ng niyog na natumba sa isa sa kanilang poste kaya naapektuhan ang serbisyo ng kuryente sa bayan ng Ferrol at San Agustin.
Ayon sa pamunuan ng Tablas Island Electric Cooperative Inc., patuloy ang kanilang isinasagawang repair at clearing operations sa mga lugar na naapektuhan ng brownout.