Ipinagkaloob ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong araw sa Local Government Unit ng Odiongan ang resulta ng kanilang ginawang survey at pag-aaral kaugnay sa Traffic Management Plan ng bayan.
Sa kanilang ginawang survey, apat na intersection sa Odiongan ang nilarawan nila bilan mga critical intersections, ito ay ang Rotonda sa Barangay Batiano, Intersection sa may Rovillos Hospital, Intersection ng General Luna St. at Rosales St. sa may palengke, at ang Intersection ng General Luna St. at ML Quezon St. sa Barangay Liwanag.
Ayon sa kinatawan ng MMDA, para maibsan ang pagbigat ng trapiko sa mga nasabing kalsada ay kinakailangan umanong dagdagan ng kalsada sa mga existing roadways, pagbabawal sa ilang pagliko, at paghihigpit sa pagpapatupad ng batas trapiko.
Inirekomenda rin ng MMDA – Traffic Engineering Center na maglagay ng mga bagong streetlights at street signage sa mga nabanggit na intersections kagaya nalang sa Intersection ng General Luna St. at Rosales St. sa may palengke kung saan umaabot umano sa 2,300 – 2,200 vehicles per hour ang dumadaan kapag peak hours.
Ang mga nasabing rekomendasyon ng MMDA na naka-compile sa isang libro ay tinanggap ni Mayor Trina Firmalo-Fabic at inaasahang kanilang pag-aaralan para maiwasan ang mas pagbigat ng trapiko sa susunod na mga taon.