Matagumpay na idinaos sa bayan ng Odiongan ang Regional celebration ng 39th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week noong ika-19 hanggang ika-20 ng Hulyo 2017 sa pangunguna ng Regional Committee on Disability Affairs Mimaropa.
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Karapatan at Prebilihiyo ng may Kapansanan, Isakatuparan at Ipaglaban.”
Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan ng bawat lalawigan sa rehiyon, mga tauhan national government agencies, mga opisyal at empleyado ng LGUs at mga person with disabilities mula sa iba’t ibang sa lalawigan ng Mimaropa.
Sa unang araw ay naging tampok sa pagdiriwang ang Abilympics at PWD Got Talent na kung saan nagpamalas ng galing sa pagsayaw at pag-awit ang mga person with disabilities na kalahok sa paligsahan.
Sa ikalawang araw naman ng selebrasyon ay naging katuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa paghahandog ng libreng serbisyo para sa mga PWD.
Nagsagawa ng information caravan ang DSWD, naghandog ng medical check-up ang mga health workers’ ng DOH, nagbigay naman ng libreng pagsasanay sa food beverages ang TESDA, nagbigay ng presentasyon ang DOST ukol sa food preparation & packaging at namahagi ng libreng binhi ng pananim ang tanggapan ng Department of Agriculture.