Agad na naaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang isang 48-anyos na lalaki matapos umanong suntukin at saktan ang kanyang kainuman sa Sitio Ilaya, Barangay Rizal, Odiongan, Romblon noong gabi ng Agosto 19.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan bandang alas-10 ng gabi nang yayain umano nila ang suspek na makisama sa kanilang inuman.
Nang magpaalam na umano ang biktima upang pumasok sa kanilang bahay, bigla siyang hinawakan ng suspek at paulit-ulit na sinuntok sa mukha, ayon sa ulat ng pulisya.
Sinubukan umanong awatin ng live-in partner ng biktima, na pinsan ng suspek, ang huli. Gayunman, nagpatuloy pa rin umano ang pananakit bago umalis ang suspek patungo sa kanyang tirahan.
Makalipas ang ilang oras, personal na nagtungo ang biktima sa Odiongan MPS upang ireport ang insidente.
Agad namang nagsagawa ng verification at follow-up operation ang mga pulis, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Ayon sa pulisya, pinili nitong manahimik.
Matapos ang kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon, naisampa na ang kasong Slight Physical Injuries laban sa suspek sa Office of the Provincial Prosecutor para sa kaukulang legal na aksyon.



































Discussion about this post