Kabuuang 1,714 na mga aplikante mula sa lalawigan ng Romblon ang susubuking maipasa ang Civil Service Professional at Sub-Professional Examination ngayong ika-12 ng Marso 2017.
Ayon kay Philip C. Apostol, Acting Director II ng CSC Romblon Field Office, ang pagsusulit ay gaganapin sa Romblon State University (RSU) – main campus sa bayan ng Odiongan kung saan iginayak ito ng kanilang tanggapan.
Ipinaliwanag din nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng CSC eligibility na makatutulong at makapagbibigay oportunidad upang makakuha ng permanenteng posisyon o trabaho sa alinmang sangay ng gobyerno.
Kaya’t kaniyang hinihikayat ang mga taga-Romblon lalo na ang mga kabataang magsisipagtapos ng pag-aaral na kumuha ng pagsusulit na kanilang magagamit sa paghahanap ng trabaho.
Maliban rito ay ipinanawagan din ni Apostol na patuloy tangkilikin ang mga serbisyo ng tanggapan na pagbibigay tulong sa mga lokal na pamahalaan at mga kapwa ahensiya ng gobyerno nasyonal.
Wala naman aniyang dapat ikabahala ang mga hindi nakahabol sa kanilang deadline noong Enero dahil matapos ang Marso 12 ay muling sisimulan ang pagtanggap ng mga aplikante para sa susunod na iskedyul ng eksaminasyon sa darating na Agosto.