Sinimulan ngayong araw ng Department of Education (DepEd)-Romblon ang pagpapatala ng mga mag-aaral na papasok sa Grade 11 sa kanilang napiling Senior High School nang hanggang ika-29 ng Oktubre.
Nagsimula nang tumanggap ng mga SHS enrolees sa mga paaralan at division offices simula noong ika-16 ng Oktubre.
Ayon sa pamunuan ng DepEd-Romblon, itinakda ang nasabing deadline upang bigyan ng sapat na panahon ang mga pampublikong Senior High Schools na maghanda at ayusin ang kanilang kaukulang SHS programs bago sumapit ang School Year 2017-2018.
Layunin ng early registration na malaman ng maaga ang dami ng mga estudyanteng papasok sa SHS upang makapaglaan ng sapat na pondo para sa mga silid aralan, silya, libro o learning materials at maging ng karagdagang guro kung kinakailangan.
Hinihikayat ng DepEd na maagang pagpapatala ng mga mag-aaral na papasok sa lahat ng pampubliko at pribadong senior high school dahil kinakailangan nilang pumili ng isang partikular na SHS track.
Hinihimok din ng nasabing ahensya ang enrollees ng mga pribadong senior high school na gamitin ang SHS Voucher Program upang mabigyan sila ng diskwento sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan para tulungan ang kanilang mga magulang na pagaanin ang gastusin sa kanilang pag-aaral sa SHS.
Saklaw ng Senior High School ang walong aspeto ng pag-aaral bilang bahagi ng core curriculum nito at isang dagdag na track batay sa apat na disiplina kabilang ang academic (negosyo, agham at inhinyeriya, humanidades at agham panlipunan, at isang pangkalahatang akademikong strand); technical-vocational-livelihood (mga paksang may kwalipikasyon sa TESDA); sports; at arts & design.