by Dennis Evora/Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 12 June 2016
Halos sabay sabay na itinaas ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng munisipyo sa buong lalawigan ng Romblon ngayong araw bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Ika-118 na taon ng Araw ng Kalayaan ng bansa.
Sa bayan ng Concepcion, sinimulan sa isang parada ang pagdiriwang na nilahukan ng mga opisyales at kawani ng munisipyo, mga miyembro ng kapulisan, ng mga health center, mga guro, at mga opisyal ng Barangay.
Sinundan ito ng maikling palabas mula sa mga sangay ng lokal na pamahalaan na dumalo.
Sa bayan naman ng Romblon, alas-7 palang ng umaga itinaas na ang watawat sa Romblon Municipal Police Station sa isang seremonya na pinangunahan ni Police Senior Inspector Sheljohn Nuga, Officer-in-Charge ng estasyon.
Nag-alay rin sila ng bulaklak sa Rizal Monument sa bayan.
Ang pagdiriwang ngayong taon ng Araw ng Kalayaan ay may temang: “Kalayaan 2016: Pagkakaisa, Pag-aambagan, Pagsalubong”.