by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 26 May 2016
Nagpasa ng aplikasyon ang Asian Palladium Mineral Resources Inc. sa Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau upang makapagmina ng palladium at iba pang mineral sa mga karagatang bahagi ng Tablas Island, Romblon.
Sa nakuhang papeles ng Romblon News Network, nakasaad rito na ang mga bayan ng Looc, Ferrol, Odiongan, San Agustin, San Andres, Santa Maria, at Alcantara ang mga lugar na nakakasakop sa karagatang pagmiminahan.
Nasa bahagi na umano ng Financial or Technical Assitance Agreemnt (FTAA) ang aplikasyon ng kompanya at nagpapaalam na sa mga munisipyo na sila ay magmimina sa lugar.
Sa nakuha ring impormasyon ng Romblon News Network, April 5 pa nagpasa ng aplikasyon ang kompanya sa DENR-EMB at nitong nakaraang linggo lamang lumapit sa mga munisipyo sa Tablas Island, Romblon.
Aabot naman sa Ten Thousand Six Hundred Ninety (10,690) hectares na karagatan ang maapektuhan ng lugar.
Agad namang inalmahan sa social media ang bagong kompanya na gustong magmina sa Romblon dahil umano sa magiging epekto ng pagmimina sa karagatan at sa ganda ng probinsya.