Humihingi ng tulong ang pamilya ni Baby Aki, isang batang may sakit na hydrocephalus upang maipagamot at maoperahan sa magandang hospital sa Manila.
Si Aki ay residente ng Sitio Sigcop, Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon at kasalukuyang inaalagaan ng kanyang Lolo at Lola na sina Lito at Consulacion Rubion.
Dalawang taon pa lamang si Aki nang iwanan sa Lolo at Lola ng kanyang ina na nagtatrabaho sa isang mall sa Manila.
Ayon sa mag-asawang Rubion, hiling lang nila para sa apo ay maoperahan at kung ibibigay ng Diyos na mabuhay pa siya ay kanilang ikakatuwa.
Apat na taong gulang na ngayon si Aki ngunit ang katawan niya ay kasing laki parin ng bagong silang na sangol. Ayon sa mga nag-aalaga sa kanya, palagi umanong umiiyak si Aki at halos ramdam rin nila ang kundisyon ng bata.
“Alam niyo, lagi ko iniiyakan ang apo ko, alam kong nahihirapan siya pero wala kaming magagawa,” pahayag ni Consulacion Rubion.
Mahirap lang ang pamilya ng mag-asawang Rubion sa Odiongan, sa isang araw, wala pang P100 ang kita ng mag-asawa sa bukid. Wala na rin umano silang hanap buhay na pangtustos sa apo at umaasa na lamang sa mga may mabubuting loob na nagbibigay ng gatas o di kaya’y pera na pambili ng gamot ng bata.
Hindi rin umano nadadala ang bata sa hospital simula nang ito ay isilang upang patingnan ang kundisyon dahil na rin sa kakulangan ng pera.
“Wala kaming pera, hindi rin kami tatangapin jan,” ayon sa mag-asawang Rubion.
Ngayon, tanging hiling ng dalawa ay mabigyang pansin ang kundisyon ng bata at kahit paano ay matulungan at maabot ng DSWD, o kahit anong foundation.
Para sa tulong maari niyong kontakin si El Marie Gamul Benauro sa 09164103871.