by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 29 January 2016
Nakamit ng mga bayan ng San Agustin at Alcantara ang 2015 Red Orchid Awards mula sa Department of Health (DOH) dahil sa pagiging Smoke-free Municipality ng mga ito.
Ang karangalang natanggap ng naturang mga bayan ay gantimpala sa kanilang maigting na kampanya laban sa paninigarilyo upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Ang prestihiyosong parangal ng DOH na National Red Orchid Awards ay aktibong sinalihan ng mga hospital at mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng batas laban sa paninigarilyo.
Ang mga nabanggit na bayan ay nabigyan ng pagkilala dahil sa malawakan at masigasig na kampanya nito laban sa paninigarilyo lalo na sa mga pampublikong lugar bilang pagsunod sa Republic Act 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003) at maigting na pagpapatupad ng ordinansa upang maging Smoke-Free Municipality.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa paninigarilyo sa naturang bayan ay naglalayong maprotektahan ang mga tao laban sa mga sakit na dulot ng usok ng sigarilyo na siyang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng cancer at iba pang nakamamatay na sakit.
Pinasasalamatan nina Dr. Deogracias S. Muleta ng RHU San Agustin at Dr. Jobin Maestro ng RHU Alcantara sa mga ahensiya ng pamahalaan na naging katuwang nila sa kanilang adbokasiya laban sa paninigarilyo.