Pinalakas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-MIMAROPA (BFAR-MIMAROPA) ang Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Councils (MFARMCs) sa pamamagitan ng dalawang araw na Strategic Forum on FARMC Implementation and Development na isinagawa noong September 2–3 sa Simple Living Hotel, Odiongan, Romblon.
Dinaluhan ang forum ng mga MFARMC Chairpersons, Fisheries Extension Officers (FEOs), at Municipal Agriculture Officers (MAOs) mula sa iba't ibang bayan sa lalawigan.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang papel ng MFARMCs bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad at pangangasiwa ng fisheries sector, gayundin ang koordinasyon sa pagitan ng mga konseho, lokal na pamahalaan, fisherfolk organizations at iba pang stakeholders.
Tinalakay sa forum ang iba't ibang usapin sa pangisdaan, kabilang ang NIPAS at Expanded NIPAS Acts, Verde Island Passage (VIP), boat registration at marine protected areas.
Nagkaroon din ng talakayan hinggil sa mga concern ng mga kalahok sa mga isyung maaaring makaapekto sa municipal waters at kabuhayan ng mga mangingisda, partikular na may kaugnayan sa Verde Island Passage.
Nagbahagi naman ang Romblon State University (RSU) ng mga posibleng larangan ng pakikipagtulungan para sa fisheries sector, kabilang ang livelihood, post-harvest processing, aquaculture at marine resource management.
Ipinakilala rin sa aktibidad ang FARMC BUDYONG o Balitaan Ukol sa Dagat at mga Katubigan, Yaman ng mga ito at Likas-Kayang Pangangasiwa, bilang platform para sa pagbabahagi ng impormasyon at updates tungkol sa fisheries.
Bilang bahagi ng output ng forum, bumuo ang mga kalahok ng mga resolusyon hinggil sa mga pangunahing concern sa fisheries sa Romblon at MIMAROPA. Kabilang dito ang panawagan para sa departmentalization ng BFAR, pagbuo ng Integrated FARMC (IFARMC) para sa Verde Island Passage, at wastong color coding ng mga bangka sa MIMAROPA.
Nagsagawa rin ang BFAR-MIMAROPA ng Assessment of Levels of Development at Training Needs Assessment upang matukoy ang development at training needs ng bawat MFARMC. Gagamitin ang resulta bilang gabay sa mga susunod na intervention ng ahensya.
Kabilang din sa mga katuwang sa aktibidad ang Maritime Police, RSU, National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC), FastCat at Jotun.
Sa forum, ipinakita rin ng FastCat ang HULI Initiative, na naglalayong magbigay ng maritime-related learning opportunities sa mga kabataan at fisherfolk communities.
Inaasahang iuuwi ng mga MFARMC Chairperson sa kanilang mga fisherfolk association at lokal na FARMC members ang mga napag-usapan sa forum upang mapalawak ang kaalaman ng mga mangingisda hinggil sa fisheries concerns, programa at serbisyo ng mga katuwang na ahensya.


































Discussion about this post