Pinanumpa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes, Setyembre 8, 2026, si boxing icon at dating Senador Emmanuel “Manny” D. Pacquiao bilang Kalihim at Lead Convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), na siyang mangunguna sa mga pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang mga programa para sa pagbawas ng kahirapan at repormang panlipunan.
Pinangasiwaan mismo ni Pangulong Marcos ang panunumpa ni Pacquiao sa isang pribadong seremonya sa Malacañang Palace.
Pinalitan ni Pacquiao si Lope B. Santos III, na nagsilbi bilang Kalihim at Lead Convenor ng NAPC mula Enero 31, 2023. Ang kanyang pagkakatalaga ay kasunod ng pagbabalik ng administrative supervision ng NAPC sa Office of the President mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang NAPC ay nagsisilbing coordinating at advisory body ng pamahalaan para sa repormang panlipunan at paglaban sa kahirapan. Pangunahing tungkulin nito ang pangangasiwa sa pagpapatupad ng Social Reform Agenda (SRA), pagpapalakas ng mga polisiya laban sa kahirapan, at pagtataguyod ng makabuluhang partisipasyon ng mga basic sector sa pamamahala at pagpapaunlad ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8425, o Social Reform and Poverty Alleviation Act of 1997, inaatasan ang NAPC na bumuo at magpatupad ng National Anti-Poverty Action Agenda (N3A). Nakabatay ito sa isang multidimensional na pamamaraan sa pagtugon sa kahirapan na sumasaklaw sa mga aspeto ng lipunan, ekonomiya, kalikasan, at pamamahala upang makapagbigay ng napapanahon at angkop na interbensyon ng pamahalaan.
Sa ilalim naman ng Republic Act No. 11291, o Magna Carta of the Poor, inaatasan ang komisyon na bumuo at magpatupad ng National Poverty Reduction Plan na nakatuon sa pagtupad sa limang pangunahing karapatan ng mahihirap: sapat na pagkain, disenteng trabaho, makabuluhan at dekalidad na edukasyon, sapat na pabahay, at pinakamataas na antas ng kalusugan na maaaring makamit.


































Discussion about this post