Umabot sa mahigit ₱68 milyon ang kabuuang halaga ng tulong na ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA at mga attached agencies nito sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Romblon nitong Biyernes, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na interbensyon ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa ulat ng DA MIMAROPA, aabot sa ₱68,285,581 ang kabuuang tulong na naipamahagi ng DA Regional Field Office, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Kasama sa mga ipinamahaging tulong ang 103 indemnity checks mula sa PCIC para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Opong at ng mga nagdaang masamang panahon.
Ayon kay Ric Gregorio, Regional Manager ng PCIC MIMAROPA, inisyal pa lamang ito ng kabuuang bayad sa mga apektado ngunit tiniyak niyang agad ding mababayaran ang iba pang insured farmers upang makapagsimula muli sa pagtatanim at pangingisda.
Kabilang din sa ipinamahagi ng DA MIMAROPA ay ang ₱7,000 cash assistance sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance Program, na napunta sa 144 benepisyaryo mula sa iba't ibang bahagi ng Romblon.
Isa sa mga nakatanggap ng ayuda si Telma Gutierrez mula Sibuyan Island, na nagsabing malaking tulong ito sa kanilang muling pagsasaka.
“Gagamitin ko po ito sa aking palayan, pambili din ng abono,” ani Gutierrez.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Raval Gadon mula San Andres, Romblon, kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa patuloy na tulong sa sektor ng agrikultura.
“Malaking kasiyahan para sa mga magsasaka ang ginagawa ng pamahalaan. Gagamitin ko ito pambili ng krudo ng aking hand tractor dahil mag-uumpisa na ang araruhan,” pahayag niya.
Dumalo sa pamamahagi ng tulong ang mga opisyal ng DA MIMAROPA, mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Romblon, at mga ahensyang katuwang ng kagawaran sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda.



































