Isang 79-taong gulang na mangingisda na kinilalang si alias Domeng, residente ng Barangay Lusong, ang iniulat na nawawala matapos pumalaot noong Setyembre 25, 2025 bandang alas-3 ng hapon bago pa tumama sa probinsya ang bagyong Opong.
Ayon sa ulat ng San Agustin Municipal Police Station (MPS), personal na nagtungo sa kanilang tanggapan ang anak ng biktima nitong Setyembre 26, 2025 bandang alas-4:15 ng hapon upang ipaalam ang pagkawala ng kanyang ama.
Huling nakita ang biktima sa Barangay Hinugusan bago ito pumalaot sakay ng kanyang asul na paddle boat/bangka.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang San Agustin MPS kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard–San Agustin Substation at Bureau of Fire Protection upang hanapin ang mangingisda ngunit bigo sila.
Patuloy na pinalalawak ang operasyon sa mga karatig-bayan matapos magpadala ng flash alarms para sa agarang aksyon at impormasyon hinggil sa nawawalang mangingisda.



































