Nagkampeon sa katatapos lamang na Aboitiz Pitch Under 15 Age Group Category Football Tournament ang Romblon FC na ginanap sa Aboitiz Pitch, The Outlets, Lipa, Batangas nitong June 28, 2025. Ang isang araw na torneo ay nilahukan ng 11 teams sa under-15 category na kinabibilangan ng Romblon FC, Ada FC, Fuerza A, Fuerza B, Ilocos United FC, Forza FC, Silang FC, Landville Jaguars, ABCDE FC, Panthers FC, at RSA Santiago. Ang mga teams na ito ay mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Matagal at marami nang mga football tournament ang nilalaruan ng Romblon FC na bagama’t local competition lamang ay hindi matatawaran ang galing at husay ng mga Romblomanon players. Sa pagkakataong ito ay nagdesisyon ang team na lumabas sa kanilang comfort zone upang lumahok sa mas malaking torneo, at hindi sila nabigo dahil kanilang naiuwi ang kampeonato.
Ang Romblon FC ay binubuo ng mga mag-aaral mula sa Romblon National High School na sina James Harris Magada, Jashmer Mirabite, Ion Madrona, Lucky Mindoro, Prince Carl Madeja, Jhon Albert Fajiculay, Arsenio Dela Cruz, Jose Herald Familara, at Zukie Llavore. Tumatayong head coach ng koponan si Coach Nolan Manito at assistant coach si Joal Madeja na siyang gumagabay at brain trust ng koponan.
Nakuha ng Romblon FC ang kampeonato matapos talunin ang kanilang nakalaban sa finals na Carmona Panthers sa score na 1–0, sa pamamagitan ng goal ni Arsenio Dela Cruz.
Sa pagtatapos ng torneo, ilan pa sa mga special award ang nakuha ng mga manlalaro ng Romblon FC kung saan pinarangalan bilang MVP si James Harris Magada, si Jose Herald Familara bilang Best Defender, at Best Goalkeeper naman si Jashmer Mirabite.
Discussion about this post