Ipinahayag ni Mayor Roger Fodra na hindi siya tutol sa posibilidad na ipagiba ang gusali ng Odiongan Commercial Center (OCC) upang magamit ng lokal na pamahalaan ang lupa para sa mas ligtas at makabuluhang proyekto.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Fodra noong June 2, sinabi ng alkalde na napag-usapan na nila ito kasama si dating Mayor Trina Firmalo-Fabic at lumalabas na pasok na ang OCC sa mga requirement para maipagiba.
“If all these requirements are met and there are no objection from COA, then let’s study how will we make use of that [lot], but definitely that building will be removed,” pahayag ni Fodra.
Bilang isang civil engineer, sinabi ni Fodra na matagal na niyang nakikita ang problema sa istruktura ng gusali na hindi na ligtas para sa publiko.
Dagdag pa ng alkalde, wala na ring binabayarang utang ang lokal na pamahalaan para sa OCC at lampas na rin ang itinakdang “lifespan” ng gusali na 15 taon.
Matatandaang noong 2023 ay muling naging mainit ang usapin ng paggiba sa gusali kasunod ng serye ng mga lindol na tumama sa Odiongan at Ferrol, na nagdulot ng mas maraming pinsala sa istruktura.
Sinabi rin noon ng mga engineers mula sa Palafox Associates na hindi na ligtas ang OCC at hindi na ito puwedeng isalang sa retrofitting.
Ayon kay Fodra, bukas ang kanyang administrasyon na pag-aralan kung ano ang pinakamainam na proyekto na maaaring itayo o gawin sa lupa kapag naalis na ang lumang gusali, kasabay ng pagtitiyak na ligtas at kapaki-pakinabang ito para sa mga residente ng Odiongan.
Discussion about this post