Maagang na-eliminate ang Filipina tennis star na si 19-anyos Alex Eala sa Wimbledon Tennis Tournament na kasalukuyang ginaganap sa All England Lawn Tennis and Croquet Club at tatagal hanggang July 13, 2025. Ito ay matapos siyang matalo sa 1st round pa lamang ng kanyang nakatapat sa draw na defending champion ng torneo na si 29-anyos at World No. 17 Barbora Krejcikova ng Czech Republic sa score na 3-6, 6-2, at 6-1.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkatalo ni Alex ay ang sobrang pagod, bagay na inamin din niya. Kung matatandaan, dalawang araw bago magsimula ang Wimbledon ay naglalaro pa si Alex sa Eastbourne Open Tennis Final laban sa Australian at defending champion ng nasabing tournament na si Maya Joint, kung saan isang makapigil-hiningang laro ang ipinamalas ng dalawa at naungusan lang ni Joint si Alex sa tiebreak upang makuha ng Australian ang kampeonato.
Ito pa lamang ang debut game ni Alex sa Wimbledon Tennis sa kanyang tennis career. Bago magsimula ang torneo ay ranked No. 56 si Alex Eala sa WTA World Rankings. Natalo man, sinigurado naman ni Alex sa kanyang mga fans na marami pa siyang lalaruang mga torneo at sisikapin niyang patuloy na umangat pa sa world rankings.
Marami pang kapanapanabik na laro ang dapat abangan sa Wimbledon Tennis Tournament na maituturing na pinakaprestihiyoso sa lahat ng Grand Slam tournaments, dahil na rin sa presensiya ng mga royalty at mga bigating celebrity na laging nanonood dito. Ang Wimbledon Tennis ay nilalaro sa grass court surface.
Discussion about this post