Nauwi sa pananaksak ang isang inuman sa Barangay Progreso Este, Odiongan matapos masugatan ang isang 42-anyos na welder dahil umano sa pagbibiro at pangungulit sa kanyang nakainumang kasamang security guard nitong Sabado, June 7.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nangyari ang insidente matapos ang isang inuman kung saan magkakasamang nagtagay ang biktima, ang suspek, at isa pa nilang kaibigan.
Pagkatapos ng ilang tagay, nagpasya ang suspek na pumasok sa loob ng kanyang bahay upang magpahinga. Ngunit sinundan umano siya ng biktima at nagpumilit makapasok habang patuloy na nangungulit at nagbibiro.
Dahil dito, nawalan ng pasensya ang suspek at sinaksak sa kamay ang biktima. Agad namang naisugod ang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc para malapatan ng lunas.
Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko sa pulisya ang suspek at isinuko rin ang ginamit na patalim. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Odiongan Municipal Police Station at nahaharap sa kasong frustrated homicide o physical injury depende sa resolusyon ng imbestigasyon.