Inanunsyo ni Governor Trina Firmalo-Fabic na suspendido ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan ng Romblon mula Setyembre 25 hanggang 26 dahil sa banta ng Bagyong Opong.
Ayon sa ulat ng PAGASA, huling namataan si Opong dakong alas-4 ng hapon ng Miyerkules sa layong 670 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 95 kph malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 115 kph.
Nagsagawa na ng Pre-Disaster Risk Assessment ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat residente. Kabilang dito ang maagap na pagpaplano at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.
Nakahanda na rin ang mga kagamitan at tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng Coast Guard Station Romblon para sa posibleng pagsasagawa ng rescue operations.
Pinapayuhan ang mga residente na manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso at sumunod sa mga kautusan ng kanilang mga lokal na pamahalaan.



































