Nakatakdang ilipat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang kanilang Sub-Office sa Tablas Island patungo sa Barangay Rizal, Odiongan bago sumapit ang buwan ng Oktubre.
Ayon sa pahayag ng Provincial Government, inaayos na ang mga kinakailangang paghahanda upang makalipat ang mga kawani at tuluyang maging operational ang nasabing pasilidad.
Matatandaang inanunsyo ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang planong ito matapos ang kanyang pagbisita sa sub-office na itinayo pa noong 2019.
Aniya, sisikapin ng pamahalaang panlalawigan na magamit na ito sa lalong madaling panahon upang mapalawak ang serbisyong handog ng probinsya.
Kasabay ng paglilipat, inaasahang matatapos din ang pagtatayo ng iba pang mga service centers na matatagpuan malapit sa bagong sub-office.
Kabilang dito ang Bahay Pag-Asa para sa mga children in conflict with the law, Center para sa abused women and children, at isang pasilidad para sa mga senior citizens na walang pamilya.



































