Nakipagpulong sina Governor Trina Firmalo-Fabic ng Romblon at ilang opisyal ng probinsya at bayan ng San Jose sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan upang talakayin ang posibleng tourism partnership sa pagitan ng Boracay Island at Carabao Island.
Ginanap ang pagpupulong noong Setyembre 20 sa Boracay Island, kung saan dumalo sina Mayor Ronnie Samson, Provincial Tourism Officer Kim Anthony Faderon, at Municipal Tourism Officer Leahlyn Pablo.
Sa panig ng Malay, nakaharap nila si Mayor Frolibar Bautista at Chief Tourism Operations Officer Felix Delos Santos.
Layunin ng courtesy visit at paunang talakayan ang pagsasagawa ng mga panukala para sa isang sustainable at kapwa kapaki-pakinabang na tourism circuit na magdudugtong sa Boracay at Carabao Island.
Ayon sa dalawang panig, magkakaroon pa ng mga susunod na pagpupulong kasama ang iba’t ibang ahensya upang ipagpatuloy ang pagpaplano at pagtutulungan para sa nasabing proyekto.



































