Sa isang kontrobersyal na impeachment trial na tumanggap ng matinding atensyon mula sa publiko, isang kilalang senador ang naging usap-usapan matapos ang kanyang kilos na tila ba agad nagpapakita kung kanino siya tunay na nakapanig. Hindi pa man nagsisimula nang pormal ang pagdinig sa kaso, agad na siyang nagsampa ng mosyon para i-dismiss ito. Sa mata ng marami, ito ay isang malinaw na indikasyon ng kanyang posisyon — hindi bilang isang patas na tagapamagitan kundi bilang tagapagtanggol ng taong nasasakdal, na tinatawag nga ng ilan bilang kanyang “Bossing.”
Ang papel ng isang senator-judge sa ganitong uri ng paglilitis ay napakahalaga. Inaasahan na sila ay magiging patas, bukas ang isipan, at higit sa lahat, nakabase ang kanilang mga desisyon sa ebidensya at sa batas. Ngunit sa kasong ito, tila kabaligtaran ang nangyari. Ang naturang senador, na naka-robe pa raw noong magsumite ng kanyang mosyon, ay tila hindi ang batas ang sinusunod kundi ang dikta ng nakatataas. Para sa marami, ito ay isang kahindik-hindik na paglabag sa prinsipyo ng katarungan at due process.
Marami tuloy ang nagtatanong: paano natin mapagkakatiwalaan ang isang institusyon na dapat ay simbolo ng integridad, kung may mga miyembro itong tila ginagamit lamang ang kanilang kapangyarihan para isulong ang pansariling interes o protektahan ang mga kaalyado sa pulitika? Kung ang mismong huwes na dapat ay tagapagtanggol ng batas ay siya pang nagmamadaling wakasan ang paglilitis, kahit hindi pa man lang ito nadidinig, saan pa kaya aasa ang sambayanan para sa hustisya?
Ayon sa mga bulong-bulungan ng mga tsismosong kurimaw, tila ang tunay na sinusunod ng ilang senador ay hindi ang batas kundi ang “utos ng hari.” Sa isang demokratikong sistema, napakahalaga ng check and balance. Ngunit kung may mga senador na tila hindi na independente at sunud-sunuran na lamang sa makapangyarihan at katapatan sa kaalyado sa pulitika imbes na sa konstitusyon at batas, tila nawawala ang saysay ng pagiging co-equal branch ng gobyerno ang Senado.
Sa panibagong kontrobersyang kinakaharap ng naturang senador, lalo lamang umigting ang pagdududa sa kanyang integridad. Kamakailan, siya ay muli na namang naging sentro ng batikos matapos ibahagi sa social media ang isang video na malinaw na nilikha lamang gamit ang artificial intelligence (AI). Sa halip na humingi ng paumanhin o itama ang kanyang pagkakamali, tila mas pinili pa niyang ipagtanggol ang sarili sa maling ginawa, at ikinatuwiran pa na wala naman daw umanong mali sa nasabing video, AI generated man ito, o hindi dahil totoo naman daw umano ang sinasabi nito. Hay naku!
Ngunit sa panahon ngayon na laganap ang fake news at maling impormasyon, hindi ba’t tungkulin ng isang mambabatas na maging ehemplo ng katapatan at pagrespeto sa katotohanan?
Hindi ito simpleng usapin ng pulitika o pagiging maka-isa o maka-kabila. Ang nakataya rito ay ang prinsipyo ng demokrasya, ang dangal ng ating mga institusyon, at ang tiwala ng taumbayan sa sistemang pampulitika. Kung ang mga pinuno mismo ay nagpapakita ng kawalan ng pananagutan at kawalang respeto sa proseso, paano natin masisiguro na magkakaroon pa ng tunay na hustisya sa ating bayan?
Ikaw na ang humusga, kabayan. Ngunit para sa mga kurimaw, hindi ito usapin ng dami ng boto o popularidad. Ito ay usapin ng prinsipyo, ng tama at mali, at ng kinabukasan ng ating demokrasya. Sa panahon ng kaguluhan at kalituhan, mas mahalaga kaysa kailanman ang pagkakaroon ng mga lider na tapat, makatarungan, at may tunay na malasakit sa bayan.
Discussion about this post