Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ang buong lalawigan ng Romblon ngayong Huwebes ng gabi, Setyembre 25, 2025, dahil sa papalapit na Bagyong Opong na isa nang ganap na typhoon.
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, taglay ni Opong ang lakas ng hangin na aabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong hanggang 165 kilometro kada oras habang kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Inaasahang tatawid ang bagyo sa bahagi ng Eastern Visayas ngayong gabi hanggang bukas ng madaling araw at posibleng magtuloy sa Bicol Region.
Dahil dito, inaasahan na ang malalakas na hangin at matitinding pag-ulan sa Romblon sa mga susunod na oras.
May mataas na posibilidad ng storm surge na maaaring umabot sa dalawa hanggang tatlong metro sa mga baybaying bayan. Inaasahan din ang malalaking alon na may taas na lima hanggang walong metro sa paligid ng lalawigan kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng uri ng paglalayag.
Pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nasa mababang lugar at baybayin, na manatiling alerto at sumunod sa mga kautusan ng kanilang lokal na pamahalaan at mga disaster risk reduction offices.



































