Pormal na nanumpa sa tungkulin si Mayor Roger Fodra bilang bagong alkalde ng Odiongan ngayong Hunyo 28, kung saan inilahad niya ang kanyang mga plano at pangarap para sa bayan sa harap ng mga opisyal, bisita, at mga residente.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Mayor Fodra ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta sa kabuhayan para sa mga mahihirap na sektor. Layunin niyang bigyan sila ng pagkakataon na maging mas produktibo at makapag-ambag sa pag-unlad ng komunidad.
“Ang pangarap ko para sa Odiongan ay isang bayan ng progreso kung saan may mga oportunidad para sa lahat at walang Odionganon ang maiiwan,” aniya.
Ipinahayag niya ang layunin ng kanyang administrasyon na lumikha ng mas masiglang ekonomiya na magtutulak sa bayan tungo sa higit na pag-unlad.
Tiniyak ni Mayor Fodra ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Odiongan, na mahalaga para sa mga turista at mamumuhunan.
Kabilang din sa kanyang mga plano ang pagpapahusay ng mga pasilidad pangkalusugan at pagtiyak na may sapat na suplay ng gamot at kagamitan sa lahat ng health center ng bayan.
Ipinangako rin niya ang aktibong pakikilahok ng lokal na pamahalaan sa pangangalaga at proteksyon ng kalikasan upang mabawasan ang epekto ng climate change.
Kasama sa mga tututukan ng bagong administrasyon ang mga umiiral na problema tulad ng kakulangan ng suplay ng tubig, pagbaha, at problema sa drainage.
Prayoridad din ang edukasyon, na layuning matiyak na walang batang Odionganon ang maiiwan dahil lamang sa kahirapan.
Para naman sa mga proyektong pang-imprastruktura, sinabi ni Mayor Fodra na magsisikap silang makahanap ng pondo mula sa labas upang hindi maubos ang limitadong yaman ng lokal na pamahalaan.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan siya ng pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat ng Odionganon para sa ikauunlad ng kanilang bayan.
Discussion about this post