Sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang isang estudyante matapos pagtatagain ng isang 55-anyos na magsasaka na kanyang nakainuman sa Barangay Limon Sur, gabi ng Hunyo 13.
Ayon sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, matapos ang ilang oras na pag-inom, bigla na lamang umuwi ang suspek sa kanilang bahay, kumuha ng bolo at nagsimulang mag-amok.
Sinubukan pa umanong awatin ng estudyante ang kanyang kainuman ngunit sa halip na kumalma, siya pa ang naging puntirya ng suspek. Pinagtataga umano ito at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kahit sugatan, nagawa pa ng biktima na labanan ang suspek at humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang tuluyang mapatigil ang pag-aamok.
Pareho silang dinala sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para sa gamutan. Sugatan din ang suspek matapos umano itong matumba habang nakikipagbuno sa biktima.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated homicide. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.