Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makakatanggap pa rin ng cash relief assistance ang mga tricycle driver na hindi naisama sa unang batch ng pamamahagi ng ayuda sa lalawigan noong April 16.
Sa panayam ng PIA Romblon, sinabi ni Abegail Fetilo na bagamat wala pang pinal na petsa para sa ikalawang batch ng distribusyon, nakatakda umanong maisama ang mga driver na hindi nakatanggap sa unang rollout.
“Yung mga na-miss out sa first batch ng distribution na mga tricycle drivers ay maisasama po sa second batch dahil may mga rason naman sila, katulad ng iba na wala sa kanilang munisipyo noong panahon ng distribution,” ayon kay Fetilo.
Dagdag pa niya, kabilang din sa ikalawang batch ang iba pang nasa transport sector tulad ng delivery riders.
“Nakikipag-ugnayan na kami sa mga LGUs para habang maaga pa lamang ay maihanda na ang mga listahan na kailangan,” dagdag pa nito.
Ang pahayag ay kasunod ng hinaing ng ilang tricycle drivers at operator sa Odiongan na hindi naisama sa unang batch ng distribusyon.
Sa datos ng DSWD, tinatayang nasa 340 tricycle drivers lamang ang nakatanggap ng ayuda sa unang batch, na mas mababa kumpara sa kabuuang bilang ng mga TODA na may prangkisa mula sa lokal na pamahalaan.



































Discussion about this post